February 17, 2008

How can they be of service?

Filed under: para sa gustong umintindi — girardaquino @ 11:26 am

NBI Bandwidth Exceeded

October 5, 2007

real life postcards

Filed under: para sa gustong umintindi, photos — Tags: , , , — girardaquino @ 9:30 pm

real life postcards 2 real life postcard

kuha mula sa baguio kung saan ang mga ninuno’y nagsisilbi na lamang bilang palamuti sa mga alaalang gustong mapanatili sa loob ng litrato

igorot sa mines view baguio-059.jpg

sa mines view park ay makakakita rin ng puwesto kung saan nagtitinda ang mga igorot at nagpapakuha ng litrato.

September 16, 2007

Ikaw Na Batang Di Pinapansin

Filed under: para sa gustong umintindi — Tags: — girardaquino @ 4:31 am

Kawawa ka naman batang di napapansin.

 

Para bang ikaw ang may kagustuhan ng lahat ng ito, anumang isipin.

 

Di ba’t ikaw lamang ang naging bunga ng pagnanasang di napigilan.

 

At ngayon, bakit tila ikaw ang laging napag-iinitan?

 

Tila ba lahat ng iyong gagawin ay pawa na lamang bawal.

 

Ang mga magulang mo’y tila mga kastilang kawal.

 

 

Batang di napapansin, wag diyan.

 

Batang di napapansin, isa.

 

Batang di napapansin, ano ba.

 

 

Bakit nga ba hindi ka nila hayaang maging malaya?

 

Di ba’t yun ang kanilang dahilan para magpakasasa?

 

At ngayong nalimot na nila ang kanilang nakaraan,

 

araw-araw na lamang ikaw ang napagbubuntungan.

 

Marahil mahirap nga sa kanila dahil ikaw ay espesyal.

 

Subalit kailangan bang maging balakid yon upang makaramdam ng pagmamahal?

 

Konting pansin lang naman ang tanging hinihingi.

 

Ngunit pa ito’y, kung ibigay, patingi-tingi.

 

Ilang taong ang nagdaan, na siya’y walang kinamulatan.

 

Anong karapatan mong siya ngayon ay unatan?

 

Bakit ka nagpapanggap at ngayo’y nanghihimasok?

 

Ba’t di mo pag-isipan ang mga puso ninyong mapusok?

 

Di ba’t ikaw rin mismo ay may responsibilidad?

 

Bakit hindi mo doon ibuhos ang iyong abilidad?

 

Ang kakayahang mong manghimasok sa buhay na di ka kailangan,

 

diyan ka magaling! Imbes na pagtuunan mo ng pansin ang sarili mong kakulangan.

 

Kawawa ka nga naman batang di napapansin.

 

Nakalimutan nilang, kailangan mo ang ibang klaseng pagtingin.

 

Ginastusan ka pa ng kung anu-ano,

 

ni hindi man nila magawa ang maging listo.

 

Lagi nilang akala’y sila lang lagi ang tama,

 

para namang di rin sila nagiging burara.

 

Kawawa ka nga naman batang di napapansin.

 

Baka mas ginusto mo pang, ang pangyayari mo’y atin na lang alisin.

 

 

Para sa isang taong espesyal.

Espesyal, pero di pinapansin.

 

Pr syo Ito

liyonr+d_+

 

 

September 2, 2007

Pangingibang bansa

Filed under: para sa gustong umintindi — girardaquino @ 10:28 am

Ilang beses na nga ba tayo nangarap tungkol sa mga bagay-bagay na makakapagpabuti ng ating kalagayan? Ito marahil ang madalas, kundi man isa sa mga malaking nilalaman ng kamalayan ng mga Pilipino sa kasalukuyang panahon – ang pagnanais na makaalis sa bansang sinilangan, upang magkaroon ng, hindi mas magaan, kundi mas marangyang pamumuhay sa ibang bansa.

 

Bakit ko nasabing marangaya, imbes na magaan? Dahil hindi naman rin talaga gumagaan ang buhay kapag nandudoon ka na sa ibang bansa. Ang trabaho ay parehas din ng haba ng oras, at madalas pa nga’y dinodoble ng mga tao ang kanilang pagsisikap, double jobs kung tawagin. At para saan? Marahil dahil sa ang kanilang pagsisikap ay mas madaling nabibigyan ng karapat-dapat na kabayaran. Ang parehas na haba ng oras na ginugugol ng mga tao sa pagta-trabaho ay mas malaki ang ibinibigay na sahod kapag nasa ibang bansa ka nagta-trabaho. Marahil hindi ang aktwal na sweldo ang mas mataas, kundi ang kakayahan ng pera nilang mabili ang kanilang mga pangangailangan. Papaano nating masasabing mas magaan ang magiging buhay ng mga tao sa ibang bansa kung nawawala ang kaginhawahan na kanilang tinatamasa sa sariling bayan. Isang halimbawa marahil nito ang kagaanan ng buhay ng mga pamilya dito sa ating bansa dala na rin ng suporta na ibinibigay ng mga kamag-anakan kung kinakailangan. Paano nating masasabing mas magaan ang kanilang pamumuhay sa ibang bansa kung doon ay makakaranas sila ng diskriminasyon, kung doon sa ibang bansa ay kailangan nilang harapin ang lamig na dala ng panahon?

 

Samaktuwid, ang pagnanais ng mga Pilipinong magpunta sa ibang bansa ay katumbas rin ng pagnanais na magkaroon ng mas marangyang pamumuhay. Ang magkaroon ng kakayahang mabili ang mga pansariling hilig, ang magkaroon ng kakayahang makapagpundar ng bahay at sasakyan, ang mabigay sa mga anak ang karamihan, o kung nanaisin, ang lahat ng mga materyal na bagay, at kung anu-ano pang karangyaan. Makikita natin ito sa kasalukuyang panahon, bagamat isang penomenang madalas nang nabibigyan ng pansin, sa kung papaanong ang mga doktor ng ating bansa ay nagsisipag-aral muli para sa isang propesyon na alam nilang mas mababa ang antas kaysa sa kanilang pinag-aralan. Maaaring totoo nga na ang estado ng mga nars at doktor sa ibang bansa ay hindi gaanong nabibigyan ng pansin, at hindi mababa ang tingin ng mga dayuhang doktor sa kanilang mga nars, subalit kung susukatin natin sa aspeto ng kanilang pinag-aralan, makikita natin na ang pagtatanggol na ito para sa pagkaubos ng mga doktor sa ating bansa ay maaaring isang mekanismo para protektahan ang kanilang desisyong iwanan ang buhay dito sa Pilipinas. Hindi ba’t kung hindi mababa ang kanilang tingin sa pagiging nars kaysa doktor, ay dapat pagiging nars na lamang ang kinuha nila dati pa, at hindi na sila nag-aksaya ng panahon para makamit ang kaalaman at dunong ng isang doktor?

 

Hanggang dito na nga lang ba ang pangarap ng mga Pilipino? Kung mayroon silang tinatawag na American dream, ang pangarap ba ng mga Pilipino ay magkaroon lamang ng marangyang pamumuhay – o magaan, kung ating nanaisin, na sinusukat at ang batayan ay ang kakayahang bumili at magpundar ng kagamitan, ang sa kinalaunan, magkaroon ng magaan na pamumuhay?

 

Marahil hindi nga natin masisisi ang mga tao kung naisin nilang makaranas ng mas maginhawang buhay. Subalit isang bagay marahil na kadalasang kumakain sa kamalayan ng mga Pilipino, ay ang pagiging kontento sa simpleng pamumuhay, na sa aking palagay ay kaiba sa simpleng hangarin sa buhay. Maaari nga naman na ang isang tao ay gusto lamang ang isang pamumuhay na simple, subalit mataas ang pangarap o hangarin sa buhay, kung ito ay titingnan mula sa pananaw na malaya sa maka-materyal na paraan ng pagsukat ng tagumpay. Magandang halimbawa marahil nito ang panloob at di materyal na tagumpay na nararamdaman ng mga guro. Datapwat hindi nila natatamasa ang kaginhawahan at tagumpay ng mga nasa mataas na posisyon sa isang korporasyon, malaki ang kanilang persepsyon sa kanilang tagumpay – isang persepsyon na hindi nakatali sa materyal at makamundong paraan ng pagsukat. Maaring hindi sapat ang ganitong halimbawa para lubusang mailarawan ang sinasaad ng manunulat, dala na rin ng pagiging subhektibo na persepsyon sa sinasabing tagumpay. Maaari nga naman na makaranas ng matinding panloob na tagumpay ang mga nasa korporasyon, lalo na’t ito naman talaga ang kanilang ninanais noon pa man. At gayun din, hindi rin naman lahat ng mga guro ay nakakaramdam ng matinding panloob na tagumpay sa kanilang napiling propesyon. Ang mahalagang punto dito marahil ay ang magkaroon ang bawat tao ng pagnanais na magtagumpay, di sa materyal na paraan ng pagsukat, kundi sa aspetong pansarili – isang mas intelektwal at panloob na tagumpay, isang pangarap na hindi simplistiko, bagamat nakatuon pa rin sa katotohanan. Ang mahalaga marahil ay ang kagustuhan, at higit sa lahat, ang pagsisikap ng mga Pilipinong di lamang basta maka-ahon sa kahirapan at makaranas ng marangyang pamumuhay, kundi ang magkaroon ng pagnanais na makamit ang panloob na tagumpay o kung inyong mamarapatin, sense of accomplishment.

 

Kung hindi ako nagkakamali, minsan ay mayroong nagsabing hindi ang pagpunta at paglisan ng mga Pilipino ang dapat nating bigyan ng pansin. Hindi ito ang mahalaga. Ang importante, bukod sa lahat ng ito ay ang pagnanais ng bawat Pilipinong umaalis papuntang ibang bansa, na bumalik sa kanyang lupa upang ipamahagi at iuwi ang tagumpay niyang natamo mula sa ibang bansa, panloob man o materyal. Ang mahalaga ay ang pananatili ng pagmamahal sa sariling bayan. Wala naman nga sigurong masama kung magnais ang mga tao na pumunta sa ibang bansa para mas maging maginhawa ang kanilang buhay, subalit mahalaga ding maging tuso ang mga taong ito, upang hindi sila tuluyang masakop ng kaisipang kanlurananin at tuluyang mabura ang kanilang pinanggalingang kultura. Kung ang dahilan ng mga tao sa pagpunta sa ibang bansa, hayaan na lang natin na ang maging impluwensiya ng dayuhang bansa ay hanggang sa materyal o pinansiyal na aspeto na lamang, at huwag na nating hayaang masakop pa nito ang pag-iisip at pag-uugali ng mga tao.

 

Sa puntong iyon, marahil maganda rin na ang maging oryentasyon ng mga Pilipinong umaalis papunta ibang bansa ay hindi ang simpleng pagnanais na magkaroon ng kapangyarihang mabili ang ninanais, kundi ang pagnanasang makamit ang kanilang pangarap sa Pilipinas mula sa ibang bansa. Kung ang isang doktor, na noong bata pa’y ang sagot sa tanong na: “Anong gusto mo maging paglaki mo?” ay “I want to be a doctor” , kinakailangang hindi mawala ang pagnanais na iyon, dahil lamang sa nagnanasa siya na magkaroon ng mas marangyang pamumuhay. Sa simpleng mga salita, huwag tayong paalipin sa ilalim ng dayuhang bansa. Kung lilisan tayo papuntang ibang kontinente, dalin natin ang ating mga pangarap, at huwag nating pigilan ang pagnanais na makamit ang mga ito, dahil lamang pupunta tayo sa ibang bansa.

 

 

August 31, 2007

Tao

Filed under: para sa gustong umintindi — girardaquino @ 2:58 pm

Minsan inisip kong maghanap ng isang taong makapagbibigay sa akin ng kaalaman tungkol sa lahat ng bagay na may katuturan dito sa mundo. Ilang beses ko din inakalang ako’y nabigo. Wala itong pinagkaiba sa isang lalaking hinahanap ang tunay ng magiging laman ng kanyang puso. At tulad niya, ang aking paghahanap ay inakala kong laging nauuwi sa kabiguan.

Minsan inakala kong natagpuan ko na ang matagal ko nang hinihintay. Maganda ang aming simula. Akala ko’y nasa kanya na ang lahat ng ninanais kong malaman. Pinamukha niya sa akin na taglay niya ang lahat ng ito. Sa kanyang kilos at mga salita, isa siyang magaling na tao.

Subalit habang lumilipas ang panahon, dahan-dahan niyang ipinadama sa akin na hindi kailanman yayabong ang aming pagsasamahan, ang aming pagkakakilanan. Dahan-dahan kong nakikita ang tunay niyang katauhan..

Gayun din ang taong sumunod kong nakilala. Hindi ko alam kung sila ba ang nagpapakita ng mga maskara, o sadyang mga gawa-gawa lamang ng aking isipan ang mga pag-aakalang ito.

Lumipas ang ilang buwan at muli nanamang nabigyan ng pag-asa ang aking pag-iisa. Kakaiba ang guro kong ito. Matigas, galit, at maraming nalalaman. Sa kanya ay nakita ko ang mundo mula sa isang panibagong perspektiba. Isang mas malawak na pagtingin na tila pananaw ng isang agila. Binigyan niya ng paliwanag ang lahat ng kaganapan sa mundo. Dito ay mas pinaliit pa lalo ang dangal ng mga tao. Ipinakita niya kung ano ang tunay na nagpapakilos sa mundo, at ang siyang nagdidikta ng mga magiging kaganapan at kahihinatnan ng kasaysayan.

Nagwakas ang aming pagsasamahan ng aking namalayan na hindi naman pala siya naghahanap ng kasama. Bagama’t mag-isa lamang siya, hindi siya nakararamdam ng katulad ng aking dinadala.

Sinubukan ko na ring lumapit. Minsa’y nagmatapang akong magkusang iaalay at pasimulan ang mitsa ng pagkakataon. Inakala kong mula sa isang tanong, maaaring sumiwalat ang isang mas malaking pagasasamahan. Parang palito o yosing madalas masisi sa pagkasunog ng isang malaking gusali. Pinaunlakan nga niya ako. Subalit hanggang dun lang. Marahil hindi nga iyon sapat.

Kailangan nga ba natin ng isang taong magiging panghabang-buhay maestro? Noong sinaunang panahon, ganito ginagawa ang edukasyon. Subalit ngayon, panandalian lamang ang pagsasamahan ng isang mag-aaral at isang guro. Marahil masuwerte kami dahil noong panahon namin sa kolehiya, dadalawa lamang ang aming naging guro. Doo’y apat na taon kaming nagkasama. Nakilala ang isa’t isa, pinagsaluhan ang mga nakakahiyang hirit sa klase, ang mga pinagdadaanang problema sa sari-sariling buhay na hindi lubos maitago, at mga pangyayaring magdidikta sa magiging kinabukasan namin bilang mga indibidwal.

 

Subalit para sa karamihan ng mga mag-aaral sa kolehiyo, ang relasyon sa kanilang guro ay panandalian lamang. Isang semestre. Kulang-kulang na limang buwan lamang ang magiging pagsasamahan. Isang pagsasamahan na dapat ay maging daan para mas maging maalam ang isang bata. Paano nga naman ito mangyayari sa kakapiranggot na panahon? Posible nga ba na magkaroong ng napakalaking impluwensiya sa buhay ng isang tao ang isang gurong makakasama lamang niya sa maikling panahon?

 

Marahil ang tingin sa amin ng aming mga guro ay di naman talaga nagkakaiba sa lahat. Kami ay simpleng mag-aaral lamang na nagdaan sa kanilang buhay. Pero siguro hindi natin maaaring maalis ang posebilidad na mayroong isang batang naghahanap ng isang guro na hindi lamang panandalian ang edukasyon na gustong ibigay, kundi isang pag-aaral na tatagal ng panghabang-buhay.

Older Posts »

Theme: Silver is the New Black. Blog at WordPress.com.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.